MANILA, Philippines — Nag-abiso na ang pamunuan ng Manila Electric Company na magkakaroon ng brownout o power interruption sa malaking bahagi ng bansa bunsod na rin ng maintenance works at upgrading facilities na ipagpapatuloy ngayong weekend.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, noong panahon ng eleksyon ay nagpatupad sila ng moratorium sa kanilang mga maintenance works upang maiwasan ang brownout o power interruption na maaaring magdulot ng pagkaantala at aberya sa halalan pero ngayon ay tapos na ang moratorium.
Ngayong Biyernes, May 17-19 ay magkakaroon ng power interruptions sa Maynila, Quezon City, San Juan City, Mandaluyong City at Pasig City sa Metro Manila, gayundin sa ilang bayan sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, Quezon.
Kabilang sa maaapektuhan sa Cavite ang Tanza, Tagaytay City at Naic.
Sa Sabado, mawawalan ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Tondo, Maynila.
Mawawalan rin ng kuryente sa Linggo, sa Sampaloc at Sta. Mesa sa Maynila,; Doña Imelda, Santol at Sto. Niño sa Quezon City; at Batis, Progreso at San Perfecto sa San Juan City.
Gayundin sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City; Pinagbuhatan, Pasig City at Cainta, Rizal.
May power interruption din sa madaling araw ng Sabado sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Mula 9:00-9:15 ng umaga at pagitan ng 3:01-3:30 ng hapon ng Sabado ay mawawalan din ng kuryente sa ilang bahagi ng Dasmariñas City, Cavite.
Sa Laguna at Quezon ay may power interruption rin mula 11:45 ng gabi ng Sabado hanggang 12:01 ng hatinggabi ng Linggo at sa pagitan ng 7:00 ng umaga at 7:15 ng umaga ng Linggo.