MANILA, Philippines — Inirerekomenda ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa mga baguhang senador at mga kongresista na sasabak sa trabaho sa 18th Congress na magbasa na lamang ng libro sa halip na sumailalim sa seminar o training.
Sinabi ni Biazon na mas makakabuti para sa mga first time legislators ang pagbabasa ng Konstitusyon at ng librong “Robert’s Rules of Order” na nagsisilbing gabay sa pagsasagawa ng pagpupulong at pagdedesisyon bilang isang grupo.
Kung magaling umanong umunawa ang isang indibidwal ay sapat na itong preparasyon sa pagbubukas ng susunod na Kongreso.
Pinuna rin ni Biazon ang paggamit sa inihahaing panukalang batas o resolusyon bilang scorecard para sa mga mambabatas. Hindi lamang umano dito nasusukat ang kanilang performance.
Paliwanag ng kongresista, maaari namang silipin rin ang partisipasyon sa bawat deliberasyon dahil may mga legislators na kakaunti ang nagagawang batas subalit mahusay naman sa interpelasyon, debate at introduction of amendments.