Libreng insurance sa pasahero at tricycle drivers sa QC

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ang pagsusulong at pag-apruba sa ordinansang magkakaloob ng libreng insurance sa mga pasahero at driver ng mga pampasaherong tricycle sa lunsod.

Sa ilalim ng naaprubahang Ordinance No. 2768, magkakaloob ito ng libreng personal passenger accident insurance sa mga pasahero at drivers ng tricycle.

Ang ordinansa ay naglaan ng P20 milyon para sa premium payments sa humigit kumulang 25,000 franchise holder operators sa Quezon City.

Ang libreng personal passenger insurance co­verage sa QC para sa mga driver at pasahero ng mga  tricycle ay kauna-unahan sa buong Pilipinas. Tanging mga pampasaherong bus, taxi, jeep at iba pang public utility vehicles ang mayroong insurance coverage sa mga driver at pasahero pero hindi libre.

Una nang pinasalamatan ni Atty. Ariel Inton, founding President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang pag-apruba ng Konseho sa ordinansa sa pangunguna ni Belmonte na anya’y nagbigay ng malaking pagkilala sa kapakanan ng mga driver at pasahero ng tricycle.

Show comments