MANILA, Philippines — Umalma si Deputy Speaker Munir Arbison sa umano’y ginagawang pag-antala ng Korte Suprema sa petisyon na may kaugnayan sa kinukwestyong voting centers sa lalawigan ng Sulu.
Sinabi ni Arbison, na nagkaroon ng pagsasa-ayos ng mga voting centers ang Commission on Elections (Comelec) sa mga polling centers na disadvantageous umano sa mga botante.
Kabilang umano rito ang island barangay ng Capual na mayroong 3,000 registered voters subalit ang kanilang presinto ay nasa mainland na mahigit tatlong kilometro ang layo mula sa pantalan.
Ayon pa sa kongresista, na nananatili ang Sulu kung saan ang mga voting centers ay namamanipula umano ng mga lokal na opisyal.
Nagkaroon din umano ng correction ang Comelec subalit ito ay ipinahinto ng Korte Suprema dahil sa petisyon ni dating Comelec chair Sixto Brillantes Jr. na abogado ni dating Sulu Gov. Abdul Sakur Tan.
Lumalabas din umano na sa ilalim ng pamumumo ni Brillantes sa Comelec nangyari ang erroneous clustering ng mga presinto.