MANILA, Philippines — Hands off ang Palasyo sa isyu ng wage increase petition kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day sa bansa ngayon (Mayo 1).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na lahat ng usapin sa wage increase ay nasa kamay ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Ayon kay Panelo, alam ng Regional Wage Board kung ano ang makakabuti sa panig ng mga manggagawa at employer.
Ginawa ng Malacañang ang pahayag matapos maghain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na dagdagan ng P710 across the board ang minimum wage ng mga manggagawa kada araw na kasalukuyang nasa P537.
Kaugnay nito, inihayag ni Panelo na malaya ang alinmang labor groups na magsagawa ng kilos protesta sa Labor day at hindi ito pakikialaman ng pamahalaan hanggat walang nalalabag na batas sa malayang pagtitipon.