MANILA, Philippines — Isang araw bago ang Araw ng Paggawa, inihayag ng Defend Job Philippines ang kanilang suporta sa ilang kumakandidato na sa tingin nila'y magtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa.
Isinapubliko nila ang kanilang endorsement sa isang pagtitipon sa Intramuros, Manila ngayong araw.
"Filipino workers will be as empowered... as we have come up with a pro-labor senatorial slate that will surely bring various key labor issues inside the halls of the bureaucracy," ani Christian Lloyd Magsoy, tagapagsalita ng Defend Job Philippines.
Kabilang sa susuportahan ng Defend Job Philippines ay ang Labor Win, apat na kandidato sa pagkasenador ng Otso Diretso at Kabataan party-list.
Binubuo ang Labor Win nina Ernesto Arellano, Neri Colmenares, Leody De Guzman, Sonny Matula at Allan Montaño habang pinili naman ng grupo sina Chel Diokno, Samira Gutoc, Pilo Hilbay at Erin Tañada mula sa mayor na opposition coalition.
"With our consistent discussions with these candidates on issues concerning regular jobs; higher wages; better benefits; labor rights; secured workplaces and working conditions, rest assured that these candidates will champion the best interests and welfare of Filipino workers, dagdag ni Magsoy.
Upang selyohan ang kanilang napagkaisang layunin, sama-sama nilang nilagdaan ang "Labor Agenda 2019," na magsisilbing pangako raw nila sa mga labor groups.
Sa kanilang #LaborVote2019 campaign, pinangalanan nila ang 10 susing usapin sa paggawa ngayong halalan:
- pambansang minimum wage
- trabahong regular
- mas magandang benepisyo
- kaligtasan sa trabaho at kalusugan
- karapatang mag-organisa
- panggigipit sa mga unyon
- child labor
- karapatan ng mga migrante, OFW
- presyo ng bilihin, mataas na buwis
- pag-ahon sa kahirapan
Manggagawa ng kinabukasan sinuportahan
Kapansin-pansin naman na iisa ang sinuportahan ng grupo para sa eleksyong party-list.
Ayon sa Defend Job, pagpapakita raw nila ito ng suporta sa mga magmamana ng lipunan at manggagawa sa hinaharap.
"[I]t is just and rightful for us workers to support our youth in securing a congressional seat and representation in the upcoming May 2019 midterm elections to help them pave the way in enacting pro-labor legislations for their benefit and the future generations."
Ikinatuwa naman ito ng kasalukuyang kinatawan ng Kabataan na si Rep. Sarah Elago.
"Nararapat lang na 100% ng boto ng kabataan ay suportado ang pro-labor candidates natin sa Senado," wika ni Elago sa kanyang talumpati.
Ipinagmalaki din ni Elago ang mahigit 30 milyong botante na manggagaling daw mula sa sektor ng mga kabataan, bilang na plano nilang imobilisa.
"Binibigyang pugay po namin ang lahat ng mga nanditong mga manggagawa at mga unyon. Saludo kami sa inyo dahil kayo ang nagturo sa mga kabataan na may pag-asa sa ating paglaban," sabi ng batang mambabatas.