'Below critical': Lebel ng tubig sa Angat Dam sumadsad

Alas-sais ngayong umaga, naitala ito ng Pagasa sa 179.50 metro, mas mababa sa minimum operating water level na 180 metro.
File

MANILA, Philippines — Mas mababa na sa critical level ang tubig sa Angat Dam, na pinagkukunan ng Metro Manila ng supply, sa patuloy na pagragasa ng El Niño sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Alas-sais ngayong umaga, naitala ito ng Pagasa sa 179.50 metro, mas mababa sa minimum operating water level na 180 metro.

Nasa 212 metro ang "normal high water level" ng nasabing dam.

Inaasahan naman ng National Water Resources Board na sasadsad pa ito sa 178 metro sa susunod na dalawang araw.

Sa pagtataya ng pamahalaan, posibleng umabot ito sa 173.13 metro sa katapusan ng Mayo, ngunit dahan-dahan naman itong babalik sa normal pagdating ng Hunyo.

Inabisuhan naman ang publiko na magtipid ng tubig para bumaba ang demand mula sa Angat, maiwasan ang mabilis nitong pagbaba at makatulong sa "recovery" nito.

Nagdesisyon na rin ang NWRB na bawasan ang alokasyon para sa irigasyon para masiguro ang 1,450 milyong litrong (48 cubic meters per second) suplay kada araw na kinakailangan ng Metro Manila.

Nasa 40 CMS ang alokasyon ng National Irrigation Administration noong nakaraang buwan. Ibinaba ito sa 35 CMS para sa buwan ng Abril.

Matatandaang nagsimulang magkaroon ng krisis sa suplay ng tubig noong isang buwan bunsod diumano ng pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam, dahilan para mapatawan ng P1.15 bilyong parusa ang Manila Water dahil sa perwisyong idinulot nito.

Mahina pa rin ang buga ng mga gripo at paputol-putol ang serbisyo sa ilang lugar sa Kamaynilaan. – James Relativo with reports from Louise Maureen Simeon

Show comments