PNP palalakasin ang intel monitoring

Sinabi ni Philippine National Police General Oscar Albayalde na ito ay bilang pag-iingat upang maiwasang mangyari sa Pilipinas ang ganito katin­ding sabay-sabay na pambobomba.

Dahil sa bombing sa Sri Lanka

MANILA, Philippines — Paiigtingin pa ng Philippine National Police  ang intelligence monitoring kasunod ng madugong  serye ng mga pambobomba sa mga simbahan at hotel nitong nagdaang Easter Sunday sa Sri Lanka na kumitil ng buhay ng mahigit 290 katao habang halos 500 pa ang nasugatan.

Sinabi ni Philippine National Police General Oscar Albayalde na ito ay bilang pag-iingat upang maiwasang mangyari sa Pilipinas ang ganito katin­ding sabay-sabay na pambobomba.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng PNP Chief na walang namo-monitor na anumang banta ng ‘terror attack’ sa Pilipinas.

Kasabay nito, mariing kinondena ng PNP Chief ang insidente at ipinaabot ang buong pusong pakikiramay sa mga biktima ng terror attack sa nasabing bansa.

Nakikidalamhati rin ang Department of Foreign Affairs sa mga pamilya ng mga biktima sa naganap na multiple bombings  sa mga simbahan at hotel sa Sri Lanka.

Ayon sa ilang leader ng Filipino community, sa ngayon aniya ay wala pa namang mga Pinoy na nadamay sa sunud-sunod na  pagsabog.

Show comments