Bandila ng 'Pinas iwinagaygay ng Otso Diretso malapit sa Scarborough

Isinagawa nila ito ngayong Lunes sa Masinloc Municipal Fish Port sa Zambales, malapit sa Panatag (Scarborough) Shoal na tinatawag ding Bajo de Masinloc.

MANILA, Philippines — Iwinagaway ng apat na opposition senatorial candidates ang watwatat ng bansa malapit sa pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at Tsina.

Isinagawa nila ito ngayong Lunes sa Masinloc Municipal Fish Port sa Zambales, malapit sa Panatag (Scarborough) Shoal na tinatawag ding Bajo de Masinloc.

Kanilang sigaw: "WPS (West Philippine Sea), atin ito!"

 

 

Ayon sa Otso Diretso slate, ginawa nila ito upang respetuhin ng Tsina ang soberanya ng Pilipinas.

"Ating ipaglaban ang karapatan ng ating mga kababayang mangingisda! Let's fight for their rights, let's protect the sovereignty of our country! Kasama po namin ang mga kababayan natin dito sa Zambales," sabi ni Samira Gutoc 

Naghanda rin sila ng jetski na maaari raw gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte para ipagtanggol ang mga teritoryo ng Pilipinas sa pinag-aagawang lugar.

"Mr. Presidente, ready na ang jetski! Oras na para tuparin mo ang pangako mong ipagtanggol ang West Philippine Sea!" sabi ng placard na hawak ni Chel Diokno, na isa ring senatoriable.

Hindi naman napigilan nina Diokno at Gutoc na sumakay sa nasabing jetski bilang simbolikong aksyon.

Si Magdalo Rep. Gary Alejano naman, lumusong pa sa dagat.

 

Kapansin-pansin naman na hindi kasama sina Mar Roxas, Romulo Macalintal, Erin Tañada at Sen. Bam Aquino.

Jetski pa-WPS

Noong tumatakbo pa lang sa eleksyon, sinabi ni Duterte na sasakay siya ng jet ski patungong West Philippine Sea para magtanim ng watawat ng Pilipinas sa lugar.

Sinabi niyang ipagtatanggol ang karapatan ng bansa kahit bukas sa bilateral talks sa Tsina.

Pero bigla namang kumabig ang pangulo noong 2018.

"When I said I would go to China on a jet ski, that's nonsense. I don't even have… It's just talk. I'm surprised you believed it," banggit niya sa mga SWAT unit ng Philippine National Police.

Kilalang malapit si Duterte kay Chinese President Xi Jinping at kumuha ng ilang utang mula sa nasabing bansa para pondohan ang ilang kontroberyal na infrastructure projects gaya ng Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation Project.

Gayunpaman, natatandaang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas kaugnay ng presensya ng Chinese vessels sa Pag-asa.

Show comments