'Napikon lang isususpinde na?' Bantang habeas corpus suspension kinastigo
MANILA, Philippines — Ikinabahala ng ilang progresibong grupo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isususpinde ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus, bagay na gagamitin lang daw para patahimikin ang mga kritiko.
Ang writ of habeas corpus ay ginagamit para ilitaw sa korte ang hinuling tao para malaman kung sang-ayon sa batas ang pag-aresto sa kanya.
Ayon sa grupong Karapatan at Bayan Muna party-list, walang consitutional basis ang ganitong paandar ng pangulo.
"The suspension of the writ of habeas corpus has to have sufficient basis as mandated by the Constitution... Our human rights are not subject to his personal whims, interests and lunacy," sabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan ngayong Miyerkules.
Sinegundahan naman 'yan ng Bayan Muna sa hiwalay na pahayag.
Batay daw sa Section 18 Article VII ng 1987 Constitution, maaari lang itong ideklarang suspendido oras na may pananakop, rebelyon o kung hinihingi ng kaligtasan ng publiko.
"Hindi puwedeng dahilan ng pagtanggal nito ay napikon lang ang presidente," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
Noong Huwebes, sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa Palawan na isususpinde niya ang writ of habeas corpus at ipaaaresto ang kanyang mga kritiko.
"Ang dami ko nang problema sa krimen, droga at rebelyon, pero 'pag ako ang pinaabot niyo nang sagad, magdedeklara ako ng suspensyon ng writ of habeas corpus at ipa-aaresto ko kayong lahat," wika ni Duterte.
Ito ang naging reaksyon niya nang balaan ni Sen. Franklin Drilon sa pagpapa-review sa mga kontratang pinasok ng gobyerno sa pribadong sektor.
Pabor naman sa review ang mga militante ngunit giit nila, sana'y noon pa ito ginawa.
'Panakot sa kritiko'
Ikinatakot naman ng grupo na maaaring patindihin nito ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Dati nang sinuspindi ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus noong 1971 bago ideklara ang batas militar noong 1972.
"From what we have seen, we cannot expect anything revolutionary from the Duterte government. What is more plausible is the intensified onslaught of killings and human rights violations to stifle dissent and to bury the crimes perpetrated by this government," sabi ni Palabay.
Ipinaalala naman ng Karapatan na bagama't hindi pa ito sinususpindi ng pangulo, matagal na raw pinatatahimik ni Duterte ang kanyang mga kritiko.
"[I]t is important to emphasize that he has run after his critics even without suspending the writ of habeas corpus, formally doing so would further cripple our fundamental democratic rights."
Ilan na raw dito ay ang daan-daang bilanggong pulitikal, kaso nina Rappler CEO Maria Ressa at Sen. Leila de Lima.
"[These] remain as examples of a vindictive government which immediately resorts to all-out political persecution at the onset of any form of investigation," wika ni Palabay.
Kasalukuyan ding humaharap sa preliminary examination ng International Criminal Court ang administrasyon ni Duterte dahil sa kanyang madugong gera kontra droga, na kumitil sa buhay ng 27,000 buhay ayon sa United Nations.
Tinitignan ito ngayon bilang sakop sa "crimines against humanity" sa ilalim ng ICC.
Dagdag ng Bayan Muna, desperadong paraan ni Duterte ang nakaambang pagdedeklara ng "revolutionary war" para manatiling kimi ang taumbayan.
Panlihis atensyon?
Tingin naman ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares, ibinulalas ng pangulo ang panibagong kontrobersyal na pahayag para matabunan ang ilang usapin na kinakaharap ng bansa.
"Lumabas lang uli ang supppsed drug links ni Paolo Duterte as well as the Duterte wealth issue on top of the Negros 14 massacre and the onerous China loans, eh bigla na lang sasabihin na isususpend ang writ of habeas corpus," sabi ni Colmenares sa isang pahayag.
Dagdag niya, paraan lang ito upang mailayo ang atensyon ng tao sa kanyang "palasukong" polisiya sa Tsina at kabiguan ng drug war.
- Latest