MANILA, Philippines — Nais ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipatupad ang parusang bitay sa mga nahuhuling drug pusher sa bansa.
Ayon kay PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino, kaya malakas ang loob ng mga tulak ng droga lalo na ang mga dayuhang miyembro ng ‘international drug syndicate’ ay dahil walang ‘death penalty’ sa Pilipinas.
Sinabi ni Aquino, parusang kamatayan lamang ang susupil sa mga drug trafficking, drug smuggling at drug manufacturing kaya matagal na nilang isinusulong ito sa PDEA.
“Walang takot ang mga drug pusher na iyan, kasi kapag sila ay maaresto ay hindi sila nangangamba na mamamatay dahil walang parusang bitay sa ating bansa. The stand of PDEA is restoration of death penalty for drugs, particularly on drug trafficking, drug smuggling, and drug manufacturing,” pahayag ni Aquino.
Sa kabila ng araw-araw at walang tigil nilang ginagawang drug operation ay hindi natitinag ang mga drug trafficker at sa loob lamang ng isang linggo ay nasa P3 bilyon ang halaga ng droga na nasamsam ng PDEA.