MANILA, Philippines — Dahil masisira ang natural parks at historic value kaya sinopla ng Metro Manila Development Committee ang plano ni Quezon City Rep. Vincent Crisologo na magtayo ng coliseum sa Quezon Memorial Circle (QMC).
Sinabi ni Rep. Winnie Castelo, chairman ng komite, na hindi tama na ilagay sa Quezon circle ang napakalaking istraktura dahil makokompromiso ang ganda ng lugar at ang katahimikan nito.
Noong Sabado ay inihayag ni Crisologo ang kanyang plano na magtayo ng auditorium sa QMC dahil malaki ang nasabing lugar at naaangkop para rito ang istraktura.
Subalit iginiit ni Castelo, na ang QMC ay isang passive park na dinisenyo para sa lakaran at pasyalan.
Sagrado rin umano ang lugar dahil dito nakahimlay ang labi ni President Manuel L. Quezon at ang paglalagay doon ng coliseum ay pagpapahiya sa labi ng namayapang presidente na siyang founding father ng siyudad.
Bukod pa rito ang umano’y adverse environmental impact nito sa parke tulad ng pagkasira ng mga puno at iba pang tanim at ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa sandaling ituloy ang nasabing proyekto.
Sa halip, iminungkahi na lang ni Castelo kay Crisologo na ilagay sa ibang lugar ang planong coliseum na hindi makakasira sa social and environment concerns at hindi maaapektuhan ang daloy ng trapiko.