Adobo kasali sa 'top 100 best dishes' sa mundo

Lumalabas na nasa 100 pinakamasasarap na tradisyunal na pagkain sa buong mundo ang adobo, ayon sa listahang inilabas ng TasteAtlas.
File

MANILA, Philippines — Muli na namang namayagpag ang Pilipinas sa mundo, at sa pagkakataong ito sa larangan naman ng pagkain.

Lumalabas na nasa 100 pinakamasasarap na tradisyunal na pagkain ang adobo, ayon sa listahang inilabas ng TasteAtlas.

"Adobo is the closest thing to a national dish in the Philippines, consisting of seared and browned chunks of meat, seafood, fruit, or vegetables mixed with vinegar or soy sauce, bay leaves, garlic, salt, and black pepper," ayon sa site.

Tulad ng mga ibang ulam sa Pilipinas, produkto ito ng pakikisalamuha ng mga Pinoy sa mga banyaga.

Galing ang salitang adobo sa salitang adobar, na nangangahulugang "marinade" o "pickling sauce" sa Espanyol.

Gayunpaman, sinabi ni Raymond Sokolov, isang food historian, na nagluluto na ang mga Pilipino gamit ang mga sangkap ng adobo bago pa dumating sina Ferdinand Magellan.

Aniya, senyales ng "lexical imperialism" ang pagbibigay ng pangalang adobo sa noo'y walang pangalan nating ulam.

Ginamitan ng suka at asin ang mga pagkaing Pinoy noon para 'di agad mapanis.

Isinama naman daw sa recipe ang toyo nang ipakilala ito ng mga Tsinong mangangalakal sa bansa.

"The combination of these ingredients is left to simmer over low heat, resulting in succulent, juicy, and tender ingredients covered in thick, rich, and savory sauce," dagdag ng TasteAtlas.

Kaiba sa mga ulam na kapangalan nito sa Espanya at Mehiko, na mas may diin sa sili, iba't ibang spices, lemon juice, cumin at iba pa, kritikal na bahagi raw ng Pilipinong adobo ang suka.

Maliban sa adobo, kasali rin sa tala ang mga pagkaing Pinoy gaya ng crispy pata, lechon at kare-kare.

Ang TasteAtlas ay isang "world food atlas" na layong pahalagahan ang ang lokal at tradisyunal na kultura sa mundo.

Itinatag noong 2018, gusto raw nilang himukin ang mga manlalakbay na tikman ang iba't ibang putahe't inumin saan man mapunta.

Sa kasalukuyan, meron na silang 10,000 tradisyunal na pagkain, inumin at mga lokal na mga sangkap sa kanilang database.

Show comments