MANILA, Philippines — Isinusulong ni 1-Ang Edukasyon Party-list Representative Salvador Belaro ang muling pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct o GMRC subject sa ilalim ng K to 12 curriculum.
Ayon kay Belaro, napapanahon na ibalik ang pagtuturo sa mga kabataan ng tamang asal lalo na ang katapatan, pagiging balanse at mahabang pasensya.
Sa ilalim ng House Bill 6705 o ang Revival of Good Manners and Right conduct Act of 2017, ito ang magtatakda sa GMRC bilang hiwalay na subject sa basic education curriculum.
Paliwanag niya, mahalaga ang papel ng katapatan sa lipunan na dapat simulan sa tahanan, paaralan at maging sa lansangan lalo na sa pagsunod sa batas-trapiko at rule of law.
Matatandaan na inalis sa bagong curriculum ng K to 12 program ang GMRC bilang regular subject at isinama na lang sa Social Studies o iba pang katulad nitong subject sa eskuwelahan.
Nilalayon ng subject na GMRC na maitatak sa isipan ng kabataan ang pagrespeto sa sarili, sa kapwa at mga nakatatanda gayundin ang pagpapahalaga sa pagpapasensya, pagtitiyaga, katapatan at mabuting layunin sa pakikihalubilo sa ibang tao.
Kasabay nito, inihain din ang House Bill 4248 o ang Social Media Ethics Education Act of 2016 sa Kamara para maisama sa curriculum ng formal education ang pagtuturo ng wastong asal sa social media.