MANILA, Philippines — Pinatawan ng indirect contempt ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 ang dating driver-body guard ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan dahil sa hindi nito pagtestigo sa kasong disobedience to summons.
Kahapon ay umupo sa witness stand si Dayan nang ipatawag ng korte pero hindi ito sumagot sa mga tanong na may kinalaman sa reklamo at idiniin ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination.
May kinalaman ito sa hindi nila pagharap ni de Lima sa mga ipinatawag na pagdinig ng Kamara noong 2016.
Si Dayan sana ang gagamitin ng prosekusyon na testigo para lumakas ang reklamo laban sa senadora.
Pero giit ng kampo ng dating driver, hindi siya magbibigay ng testimonya kontra kay de Lima dahil pareho lang naman silang akusado sa nasabing complaint.
Bunga nito, agad pina-contempt ni Presiding Judge Ma. Ludmila de Pio Lim si Dayan at inatasang magmulta.
Magugunita na tinext ni de Lima ang anak ni Dayan na sabihin sa kanyang ama na isnabin ang isang Congressional inquiry hinggil sa paglaganap ng illegal drugs sa loob ng New Bilibid Prisons noong 2016.
Ang kaso ay inihain nina dating House speaker Pantaleon Alvarez, Reps. Rodolfo Fariñas at Reynaldo Umali. Itinakda ang susunod na hearing sa Mayo 15, 2019.