MANILA, Philippines — Humingi ng suporta mula sa kanilang parliament ang Canadian politician na si Anita Vandenbeld para tuluyan nang makalaya si Sen. Leila de Lima mula sa pagkakapiit.
Giit ni Vanderbeld, ginagawa niya ito dahil trabaho nila na ipagtanggol ang demokrasya, bagay na ipinagkakait daw sa senadora.
"Mr. Speaker, I ask members to join me in calling for the immediate release of Senator De Lima," sabi niya sa isang video na kanyang ipinaskil sa Youtube noong ika-25 ng Pebrero.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang ikulong si De Lima sa Camp Crame noong ika-24 ng Pebrero taong 2017 matapos iugnay sa kalakalan ng droga.
Pero sabi ni Vanderbeld, may kinalaman ang pagdidiin kay De Lima sa pambabatikos sa mga polisiya ng administrasyon.
"Her arrest followed her outspoken criticism of the Philippines’ war on drugs and her calls for Congress to investigate the thousands of extrajudicial killings and other human rights violations," dagdag niya.
Kilalang kritiko ng madugong "gera kontra droga" ng Pangulong Rodrigo Duterte, nagsilbi si De Lima bilang chairperson ng Commission on Human Rights mula 2008 hanggang 2010.
Noong Nobyembre, nanawagan sa otoridad ang Working Group on Arbitrary Detention ng United Nations Human Rights Council na pakawalan na ang naturang mambabatas.
Matatandaang sinabi ng European parliament na fabricated o gawa-gawa lamang ang mga kasong inihain laban sa senadora.
Nagpahayag na rin ng suporta ang Australian parliament kay De Lima nitong Pebrero.