MANILA, Philippines — Inatasan ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na tanggalin ang mga nagkalat na tarpulin at iba pang campaign materials na inilagay sa mga government facilities, properties at mga sasakyan ng gobyerno.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, hindi nila pinapahintulutan ang mga pulitiko na gamitin ang mga government properties para sa kani-kanilang plataporma at kampanya.
Ipinaalala ni Año ang Section 261 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa paggamit ng public funds at iba pang pasilidad na pag-aari ng gobyerno.
Anang DILG chief, ang sino mang LGUs na lumabag sa ‘rules on poll prohibitions’ ay mahaharap sa kasong kriminal at administratibo na posibleng ikatangggal sa serbiyo.
Maging ang pag-endorso, pag-promote ng isang LGU at isang empleyado ng gobyerno na tinatawag na ‘partisan political activities’ ay ipinagbabawal din sa batas.
Layunin ng DILG na magkaroon ng patas, malinis at makatotohanang halalan sa Mayo.