MANILA, Philippines — Inirekomenda ng tatlong komite sa Senado na patawan ng pinakamabigat na parusang “reclusion perpetua” o habambuhay na pagkabilanggo ang mga magulang o kahit na sinong tao na nagsulsol at gumamit sa isang bata na gumawa ng isang mabigat na krimen na may parusang higit pa sa anim na taong kulong o “reclusion temporal.”
Kaugnay ito sa panukalang ibaba sa 12 taong gulang ang criminal liability ng isang batang nakagawa ng krimen.
Sa rekomendasyon ng komite na nakatakdang isalang sa plenaryo sa susunod na linggo, ang mga 12 taong gulang na may pang-unawa na sa nagawang krimen o “discernment” ay dapat maging criminally liable na.
Ang report ay nilagdaan ng 11 senador kabilang ni Sen. Richard Gordon, chairman ng committee on justice.
Sa ilalim ng panukala, ang mga 12 anyos pababa na nakagawa ng isang krimen ay hindi kakasuhan o exempted sa criminal liability pero dapat sumailalim sa isang programa para ito ay magbago.