MANILA, Philippines — Salungat sa ipinagmamalaking "clean up" ng Manila Bay, nanindigan ang isang grupo ng maralitang lungsod na mapapalayas nito ang libu-libong mamamayan.
Nagsasagawa kasi ng paglilinis ang gobyerno sa Look ng Maynila mula pa noong ika-27 ng Enero para "mapigilan ang tuluyang pagkamatay" ng naturang anyong tubig.
Pero sabi ng grupong Kadamay, ginagawa ito dahil sa nakaplanong 43 reclamation agreements sa lugar, bagay na magpapaalis daw sa 300,000 pamilya kahit walang relokasyon.
“Ginagamit panakip butas at panghatak sa publiko ang 'di umano’y paglilinis lamang sa Manila bay. Pero ang nasa likod nito’y pagbebenta ng teritoryo ng Pilipinas sa malalaking dayuhang kumpanya gaya sa China at paglalagay sa panganib ng kalikasan,” giit ni Bea Arellano, national chairperson ng Kadamay.
Matatandaang sinabi ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na plano nilang ibalik ang dating linis ng Manila Bay hanggang sa ito'y maaari nang languyan.
Binanggit ni Arellano na sasaklawin ng "City of Pearl Project" ang 407 ektaryang lugar na pangungunahan diumano ng mga Tsinong negosyante sa ilalim ng UAA Kinming Group.
Layon daw nitong gawing "first smart city" sa Timog-silangang Asya ang lugar na may mararangyang tanawin.
Pinirmahan na raw ang kasunduan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Wawasakin ang kabuhayan ng mga mahihirap para gawing libangan ng mayayaman at dayuhan,” dagdag ng lider maralita.
Nauna na ring tinutulan ng grupong Kalikasan People's Network for the Environment ang hakbang.
Ayon sa national coordinator ng Kalikasan PNE na si Leon Dulce, mapalalala lang nito ang lagay ng naghihingalong tubig.
“A genuine rehab program for Manila Bay should immediately impose a moratorium on reclamation projects that threaten ecosystem destruction, urban sprawl pollution, and heightened disaster risks (Ang tunay na rehabilitasyon ng Manila Bay ay magpapahinto sa lahat ng reclamation projects na magdadala ng banta sa kalikasan, polusyon, at heightened disaster risks),” wika ni Dulce.
Banta sa kalikasan 'totoo'
Binweltahan naman ng Department of the Interior and Local Government ang pagtutol ng ilan sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sa inihaing House Resolution 2452 kasi ng Makabayan bloc, nananawagan ang mga mambabatas na isuspinde muna ang rehabilitasyon hangga't walang komprehensibo't "holistic" na pag-aaral sa magiging impact nito sa mga tatamaang sektor.
Ayon sa DILG, lalo lang daw mapalalala ng pag-aantala sa rehabilitasyon ang polusyon sa bay.
“Actually, the bay is in ICU (intensive care unit). We cannot afford an additional day of delay. Giving in to Makabayan will only make matters much worse (Ang totoo, naka-intensive care unit na ang look. Hindi na natin ito maaari pang ipagpaliban. Lalala lang ito kung pagbibigyan ang Makabayan),” ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya.
Pinabulaanan din niyang may mangyayaring reklamasyon sa lugar.
“Again, this is clearly misinformation. There is no place for reclamation in the rehabilitation program. In fact, Secretary [Eduardo] Año is personally opposed to reclamation projects (Muli, maling balita ito. Walang lugar sa rehabilitation program ang reclamation. Sa katunayan, tutol si [DILG] Secretary Año sa reclamation projects),” dagdag ni Malaya.
'Kung lilinisin ang Manila Bay, linis lang'
Hindi naman ikinaila ng Kadamay na malaking problema ang kinakaharap ng lugar dahil sa polusyon.
Gayunpaman, lalo raw mapalalala ng reclamation ang lagay ng look dahil madi-"displace" diumano ang napakaraming tubig, dahilan para umangat ito at maging takaw kalamidad.
“Kung lilinisin ang Manila Bay, linis lang. Ang problema, nagpapanggap pang nagkakawang gawa pero nag-aabang naman na ang napakaraming korporasyong para samantalahin ang pagkakataon. Pekeng rehabilitasyon ang ginagawa ngayon ng DENR sa ilalim ni Duterte,” ani Arellano, na nanguna rin noon sa pag-ookupa ng mga bakanteng pabahay sa Pandi, Bulacan.
Noong 2018, iniulat ni Environment Secretary Roy Cimatu na aabot na sa 330 milyon ang fecal coliform sa tubig nito kada 100 milliliters, malayo sa ligtas na lebel ng 100 MPN/100ml.
Kaugnay nito, pansamantalang isinara ang ilang establisyamento sa paligid ng Manila Bay tulad ng Manila Zoo nitong Enero dahil sa ambag nito sa polusyon.