MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang grupo ang Department of Agriculture dahil sa patuloy nitong pagpayag sa nagaganap na over importation ng karneng baboy, manok at gulay sa bansa na ang bilang ay lampas na sa itinakda ng World Trade Organization.
Ayon kay Abono Partylist at Samahang Industriya ng Agrikultura Chairperson Rosendo So, sinusuportahan nila ang panawagan ni Senatorial bet at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na ipatigil ang nasabing sobrang taas ng bilang ng importasyon sa bansa.
Sinabi ni So na kung magpapatuloy ang ganitong gawain sa gobyerno ay maaring pilayin nito ang negosyo ng mga backyard raisers, mga magsasaka at negosyante sa bansa.
Dahil dito, tahasang nagbigay ng suporta ang nasabing grupo kay Marcos upang mapahinto ang nasabing over importation ng mga karneng baboy, manok at gulay.
Ayon sa WTO tanging 54.21 milyong kilo ng baboy at 23.49 milyong kilo ng manok ang pinapayagan na makapasok sa bansa.
Ngunit lumalabas noong 2018, ang kabuuang importasyon ng baboy ay umabot ng 387.89 milyong kilo o halos 700% ang pagtaas nito.
Una ng nanawagan si Marcos na hindi dapat nagkakaroon ng over importation sa bansa dahil wala naman nagaganap na taggutom dito, bagkus nagkakaroon pa aniya ng over supply na ikinalulugi ng mga negosyante.
Nanawagan din si Marcos sa Bureau of Custom na mas paigtingin nito ang kampanya laban sa large scale smuggling sa mga agriculture products dahil ito’y itinuturing na economic sabotage.