DOTr titignan kung puwede i-extend ang operasyon ng MRT hanggang hatinggabi
MANILA, Philippines — Pag-aaralan daw ng Department of Transportation ang panukalang pagpapahaba sa operating hours ng Metro Rail Transit 3 para makapagserbisyo sa mas maraming pasahero.
Nauna nang ipinanukala ni Rep. Winston Castelo (Quezon City), chair ng House Committee on Metro Manila Development, na paabutin ng alas-dose ng madaling araw ang operasyon ng MRT 3 at Light Rail Transit 1 at 2.
Aniya, makatutulong ito sa pagpapaluwag ng trapiko a Kamaynilaan.
Bilang tugon, sinabi ng DOTr na pag-aaralan nilang dagdagan ng dalawang oras ang operasyon ng MRT-3, na tumatakbo mula alas-singko y media ng umaga hanggang alas-diyes y media ng gabi.
“We will study the proposal given the changes in the current MRT-3 ridership profile as compared to when the extended hours was tested in the past,” sabi ng DOTr sa isang pahayag.
(Pag-aaralan namin ang panukala lalo na't nag-iba na ang komposisyon ng mga commuter kumpara noong sinubukan naming palawigin ito noong nakaraan.)
Sinabi naman ng departamento na kailangang isaalang-alang ang non-operating hours na ginagamit para sa maintenance ng pasilidad.
Sa kasalukuyan, apat na oras lang ang ginugugol para sa preventive maintenance works para sa mga tren.
“Please note that while we echo our pledge of providing a quality, fast and reliable service to our commuters, we also need to consider that our two-decade old trains need to have sufficient time for preventive maintenance works,” dagdag ng DOTr.
(Alalahanin natin na kahit nais rin naming magbigay ng de kalidad, mabilis at maaasahang serbisyo sa ating mga mananakay, kailangan nating ikonsidera na ang mga tren nating dalawang ekada na ang tanda ay nangangailangan ng sapat na maintenance works.)
Nakatutulong daw kasi ang regular na maintenance para mapanatiling swabe ang operasyon ng mga tren, at para maiwasan ang mga insidente ng pagpapababa at service interruptions.
Umaabot sa halos kalahating milyon ang sinasasakay ng MRT-3 araw-araw mula North Avenue Station sa Quezon City papuntang Taft Avenue sa Pasay City.
Hawak naman ng Light Rail Transit Authority ang operations ng LRT. Tumatakbo ito mula alas-singko ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi tuwing weekdays habang alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi tuwing Sabado't Linggo.
- Latest