MANILA, Philippines — Iniutos ng lokal na gobyerno ng Maynila na pansamantalang isara ang Manila Zoo matapos tukuyin ng Department of Environment and Natural Resources bilang isa sa mga "major pollutants" ng Manila Bay.
Sa ulat ng News5, sinabing maaaring mangyari ito anumang oras ngayong linggo para masimulan ang paggawa ng sewer lines ng zoo.
Aminado ang mga opisyal ng Manila Zoo, na pinatatakbo ng city government, na wala silang sewage treatment plant.
Kilala rin bilang Manila Zoological and Botanical Garden, malapit ito sa Estero de San Antonio Abad sa Maynila na direktang tumutungo sa Manila Bay.
Sinabi ng DENR noong ika-11 ng Enero na dapat may sariling sewage treatment plants ang mga establisyamento sa paligid ng Manila Bay.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon ng Manila Bay sa pamamagitan ng Road Users' Tax katulad ng rehabilitasyon na nangyari sa Boracay.
Umabot na sa 350 milyon ang fecal coliform bacteria per 100 milliliter ng naturang anyong tubig, ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu.
Gusto ng DENR na malinis ang look hanggang sa maaari na itong languyan muli ng tao.
“Definitely this is much, much higher than the highest coliform level in Boracay when it was called a cesspool,” ayon kay Cimatu noong Disyembre.
Posible naman daw mangyari ang closure sa Miyerkules o Huwebes ayon sa administrator ng Manila City government na si Eric Alcovendraz.