Ombudsman sa Comelec
MANILA, Philippines — Hiniling ng isang kandidato sa pagka gobernador ng Nueva Ecija na ipatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na huwag nang payagang makatakbo sa midterm elections ang mga kandidato na nahatulan na ng perpetual disqualification.
Kabilang sa petisyong inihain noong Nob. 26, 2018 ni Virgilio Bote ay ang perpetual disqualification na ipinataw ng Ombudsman kay dating governor Aurelio “Oyie” Umali dahil sa multi-million Priority Development and Assistance Fund (PDAF) scam. Hiniling din nitong ibasura ang certificate of candidacy (COC) ni Umali.
Pinadalhan ng Ombudsman ang Comelec ng kopya ng hatol na perpetual disqualification laban kay Umali hinggil sa kasong malversation of public funds at violation of section 3(e) ng Republic Act 3019 o ang anti-graft and corrupt practices act kaugnay sa pakikipagsabwatan nito sa mga bogus na foundations ni Janet Lim-Napoles.
Ibinasura ang motion for reconsideration (MR) ni Umali noong Sept. 29, 2017 at pinasasampa na sa Sandiganbayan ang kaso nito na may kaakibat na parusang hanggang 40 taong pagkakakulong.
Bukod sa dating gobernador, sinampahan din ng kaparehong petisyon ang nasibak na vice mayor ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali na naghain ng kandidatura bilang bise gobernador ng probinsya.
Hiniling ni Board Member Edward Thomas Joson na kandidato rin sa pagka-bise gobernador na ibasura ang COC ng nakababatang Umali dahil sinibak ito ng Ombudsman noong March 7, 2018 at isinilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dismissal nito bilang bise alkalde ng Cabanatuan City noong May 22, 2018 dahil sa kasong katiwalian na may kaakibat na parusang perpetual disqualification from holding public office.
Pinadedeklara ring ‘ineligible’ at pinade-deny ang kandidatura sa Comelec nina Ramon “Suka” Garcia (mayoralty candidate ng Cabanatuan City); Gabriel Calling (vice mayoralty candidate ng Cabanatuan City); at Imee De Guzman, mayoralty candidate sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.