MANILA, Philippines — Posibleng maging banta sa "national security" ang proyekto ng Department of the Interior and Local Government kasama ang isang Chinese firm, ayon kay Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.
Pinirmahan kasi ng DILG at China International Telecommunications and Construction Corp. ang P20-bilyong CCTV network project, kung saan maglalagay ng 12,000 surveillance cameras ang Chinese firm sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila at Lungsod ng Davao.
Kukunin ang pondo sa unprogrammed funds na aabot sa P96 bilyon sa 2019 budget, na hindi pa naipapasa ng Kongreso.
Isa ito sa 29 kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at Tsina sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping noong Nobyembre.
Bagama't kinikilala ni Alejano ang pagpapanatili ng kapayapaan, sinabi ng mambabatas na may reputasyon ang Tsina sa paniniktik.
"What I don’t agree with is that we are risking to undermine the same sense of security we wish to provide for our people by going on a partnership with a state who has a long and storied career of spying on other governments and worse, its own people (Ang hindi ako sangayon ay naisasangkalan natin ang seguridad ng taumbayan sa pakikipag-partner sa bansang may mahabang kasaysayan ng pag-iispiya sa ibang bayan, lalo na sa sarili nilang mamamayan)," ayon kay Alejano.
Sinabi ng mambabatas na maaaring gamitin ng Beijing ang mga CCTV para manmanan ang mga Pilipino gaya ng ginagawa nito sa ibang bansa.
Kwinestyon din ni Alejano, na tatakbong sa pagkasenador sa 2019, kung bakit pumapasok ang Pilipinas sa mga ganitong kasunduan sa Tsina.
"This persistent coddling of China, despite the clear conflict of interest reeks of a major national security disaster (Yung ganitong pagkakanlong sa Tsina, nangangamoy national security disaster kasi may malinaw na conflict of interest)," dagdag niya.
Biro niya, hindi dapat hayaan ang Tsina na gawing katulad ng Pinoy Big Brother ang Pilipinas.
"Nobody among us must like being watched especially if it is (President) Xi Jinping and China that would monitor our countrymen (Wala sa atin ang gustong matiktikan lalo na kung si Xi Jinping at Tsina ang mag-momonitor sa mga Pilipino)," diin niya.
Sa mga balitang nakarating sa mambabatas, ni hindi nga raw kinunsulta ang Department of Information and Communications Technology sa proyekto.
Nauna nang nabahala si Sen. Ralph Recto sa isyung ito. Napansin niya kasing ang mobile giant na Huawei ang magsu-supply ng mga kagamitan sa naturang proyekto gayong blacklisted na ito sa mga ibang bansa.
Ipinagtanggol naman ng DILG ang CCTV deal at sinigurong magpapatupad sila ng mga kinakailangang hakbang.
“The public doesn’t have to worry about data breaches in the project as there will be no storage of classified data or information inimical to national security in the CCTV system (Walang kailangang ikabahala ang publiko dahil wala namang kukuning classified data na importante sa seguridad ng bansa sa CCTV system),” paliwanag ni DILG Sec. Eduardo Año noong Disyembre.