MANILA, Philippines — Tinanggap ng itinuturong utak sa pagpatay kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na si Daraga Mayor Calwyn Baldo ang pagbibigay ng subpoena ng provincial prosecutor sa kanilang kampo.
Nakikita ito ni Baldo bilang positibong hakbang dahil mao-obliga siyang maghain ng counter-affidavit sa kasong inihain laban sa kanya at iba pang suspek.
"Inaabangan naming makita ito (subpoena) para masimulan sa tamang lugar ang imbestigasyon," sabi ni Eugene Sangil, tagapagsalita ni Baldo, sa The STAR kahapon sa Ingles.
Pinaslang sina Batocabe at kanyang bodyguard na si SPO1 Orlando Diaz habang pasakay ng kotse matapos ang gift-giving activity para sa mga senior citizen sa Barangay Burgos sa Daraga noong ika-22 ng Disyembre.
Nasaktan din ang pitong iba pa sa barilan, anim dito ang tinamaan ng bala.
Inihain ang subpoena sa pamilya ni Baldo noong Miyerkules ayon kay Sangil.
"Hinihintay talaga ni mayor ang notice mula sa piskal kasi gusto niyang masagot sa tamang venue ang panig niya," dagdag ni Sangil.
Binibigyan ng 10 araw ang mga nakatatanggap ng reklamo para magbigay ng counter-affidavit.
"Naghanda na ng mga kakailanganing dokumento ang legal team ng mayor oras na makuha niya ang subpoena," ayon sa tagapagsalita ng alkalde.
Kahapon, tinanggalan rin ng kapangyarihan ng National Police Commission (Napolcom) si Baldo para pangasiwaan ang lokal na pulisiya.
Sinabi ni Philippine National Police Director General Oscar Albaylade na wala si Balde sa kanyang tahanan nang dumating ang kanyang subpoena.
Inilinaw naman ng hepe na hindi pa nakalalabas ng bansa si Baldo. Naglabas na rin kasi ng immigration lookout para sa mayor at iba pang suspek sa double murder.
Bagong ebidensya
Nakuha ng pulisya kahapon sa Pili, Camarines Sur ang ilang bahagi ng baril na pinaniniwalang ginamit sa pagpatay kay Batocabe.
Sinabi ni Chief Supt. Arnel Escobal, director ng Bicol police, na nakuha ang ilang bahagi ng .45 caliber pistol sa septic tank ng isang bahay sa Barangay Santo Niño sa Pili.
Pagmamay-ari ni Emmaniel Rosello ang bahay, ang pinaghihinalaang nagmaneho ng getaway motocycle ng mga suspek sa pagpatay kay Batocabe.
Ilan sa mga marekober ay isang slider, barrel, dalawang magazine, stabilizer, slide stop, barrel bushing, at stabilizer guide.
Lumitaw naman ang dating associate ni Baldo na si Emmanuel Judavar, at isiniwalat ng diumano'y plano para patayin ang mambabatas. Nakatakdang kalabanin ni Batocabe si Baldo sa pagkamayor sa darating na Mayo.
Sinabi ni Judavar na parte siya noon ng plano ngunit umatras noong Oktubre dahil sa alitan kay Baldo. Sinusugan naman ito ng aid ng mayor na si Christopher Naval, na umaming pinag-iisipan na ang assassination noong Agosto 2018.