Walang special treatment sa infra budget - Palasyo

MANILA, Philippines — Taliwas sa akusasyon ng isang kongresista, pangalawa lang sa mga lalawigan sa Bicol ang Sorsogon na nakakuha ng malaking pondo para sa mga imprastruktura sa lalawigan.

 

Ito ang idiniin kahapon ng ilang opisyal ng Mala­kanyang na nagsabi pa na, sa Bicol region, ang Albay ang may pinakamalaking alokasyon sa halagang P11.2 bilyon batay sa mga dokumento ng Department of Public Works and Highways.

Lumilitaw din umano sa mga dokumento na sa mga bayan sa Sorsogon, hindi kabilang ang Casiguran sa nakakuha ng mas malaking pondo sa imprastruktura kaya walang makikitang special treatment dito.

Nauna rito, kinuwest­yon ni House majority leader Rolando Andaya Jr. ang P325.11 milyong alokasyon para sa flood management program ng Casiguran at P10 bilyong infrastructure funding para sa Sorsogon.

Pinuna ni Andaya na nakorner ng Casiguran ang pondo sa pamamagitan ng impluwensiya ni Budget Secretary Benjamin Diokno. Nabatid na mga biyenan ng isang anak na babae ng kalihim sina Casiguran Mayor Edwin Hamor at Vice Governor Ester Hamor.

“Kilala si Diokno bilang Mr. No. Ibig sabihin, he is a man of integrity. Kapag sinabi niyang hindi siya sangkot, naniniwala kami sa kanya,” pagtatanggol ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa kalihim.

Samantala, ipinauubaya naman ni Andaya sa Office of the Ombudsman ang pagsasagawa ng motu proprio investigation kaugnay sa mga ano­malya sa budget process na kinasasangkutan umano ni Diokno.

Giit ng majority lea­der, may karapatan si ­Diokno na sagutin ang mga isyu ngunit matibay na umano ang mga dokumento at testimonyang nakalap nila na maaaring maging daan para mismong ang Ombudsman na ang kumilos o magsampa ng kaso laban sa kalihim.

Show comments