MANILA, Philippines — Umabot na sa 236 ang naitalang nadisgrasya ng paputok noong Bagong Taon ayon sa panibagong ulat ng Department of Health kahapon.
Mas mababa ito ng 52 porsyento sa 428 kaso noong nakaraang taon.
Unang sinabi ng DOH na 139 ang naging biktima mula ika-21 ng Disyembre hanggang unang araw ng Enero.
Nananatiling kwitis ang numero uno sa listahan na may 55 kaso, sunod ang luces sa 20, piccolo na may 19, boga na may 18, at 5-star na may 14.
Tintayang nasa walo ang naputulan ng bahagi ng katawan habang 61 ang nagkaroon ng eye injuries. Ang mga biktima ay mula edad dalawa hanggang 75.
Ayon sa ahensya, karamihan sa mga kaso ay nangyari sa Kamaynilaan na may 35.
Nanindigan si DOH Sec. Francisco Duque III na dapat nang ipagbawal ang paputok para makaiwas sa disgrasya ang lahat.
“The way to go is really for a total ban. The DOH has been consistent with this position – I think we’ve been supportive of a total ban,” banggit niya.
Aminado naman ang kalihim na mahihirapan silang ipatupad ang panukala dahil maraming mawawalan ng trabaho.
“A total ban cannot be executed without (thinking of the workers). There is a need to identify alternative livelihood activities or programs for those who will be adversely affected. We cannot be reckless,” ayon kay Duque.
Sabi ni Duque, dapat magtulungan ang Department of Trade, Department of Labor and Employment, at Department of Finance para mabigyan ng hanapbuhay ang mga manggagawa sa naturang sektor.