MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng Malacañang ang ilang accomplishments at nakamit ng Duterte administration sa loob ng 2018.
Sa 56-pahinang year-end report bago pumasok ang taong 2019, kabilang sa nagawa ng administrasyon ang pagkakabalik ng “Balangiga Bells” sa Pilipinas, pagkakadeklara ng Philippine Rise bilang Marine Resource Reserve, Memorandum of Agreement (MOA) na pinasok ng gobyerno ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW at muling pagbubukas ng Boracay Island.
Inisa-isa rin ng Palasyo ang ilang mahahalagang batas na naipasa ng Kongreso at nilagdaan na ni Pangulong Duterte gaya ng free irrigation, free tuition sa 112 state universities and colleges (SUCs), national mental health policy at national feeding program para sa mga undernourished school children.
Kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea, nakasaad sa ulat ng Palasyo na inirekomenda ng security cluster ang ilang hakbang na gagawin ng gobyerno sa political, diplomatic and socio-economic impact ng Arbitral Tribunal award.
Naresolba na rin umano ang peace process sa mga komunista at rebeldeng grupo habang sa usapin ng drug war, may rekomendasyon umano ang security cluster na tutugon sa reaksyon ng publiko sa narco-list na kinabibilangan ng mga opisyal ng gobyerno at gayundin sa isyu ng extra-judicial killings.
Inihayag din sa report na nasa 115,435 drug operations na ang naisagawa at 164,265 drug personalities ang naaresto habang 9,503 barangay ang naideklarang drug-free.