75 na patay kay Usman

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, base sa report mula sa Office of Civil Defense (OCD) Regional Offices, nasa 16 katao naman ang naiulat na nawawala at 12 pa ang nasugatan.
PAGASA

MANILA, Philippines — Lumobo na kahapon sa 75 katao ang nasawi sa landslide at flashflood dulot ng paghagupit ng bagyong Usman at Low Pressure Area sa Region IV B (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol at Eastern Visayas.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, base sa report mula sa Office of Civil Defense (OCD) Regional Offices, nasa 16 katao naman ang naiulat na nawawala at 12 pa ang nasugatan.

Ang bagyong Usman na nanalasa sa mga apektadong lugar bago mag-Bagong Taon ay nakaapekto sa 45,348 pamil­ya o aabot sa kabuuang 191,597 indibidwal na naninirahan sa 457 Barangays sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), MIMAROPA, Bicol at Eastern Visayas.

Sa nasabing bilang nasa 6, 637 pamilya o 24, 894 katao ang ki­nakanlong sa 170 eva­cuation centers habang nasa 12,132 pamilya o 54,665 katao ang nasa labas ng mga evacuation centers.

Nasa 69 namang kabahayan ang nagtamo ng pinsala sa Regions IV A, IV B at VIII habang 41 ang tuluyang nawasak ni Usman at LPA.

Inulat din ni Jalad na nasa 92 kalsada at tatlong tulay sa MIMAROPA, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas ang apek­tado ni Usman at nasa 51 naman ang maari ng madaanan.

Samantala sa inisyal na ulat, sa Region V pa lamang ay aabot na sa P242-M ang pinsala ng kalamidad sa agrikultura. 

Show comments