'Usman' nag-iwan ng 68 patay

Nananatiling ang hanging Amihan na lamang ang weather system na umiiral sa bansa sa malaking bahagi ng Luzon.
Facebook/PAGASA

MANILA, Philippines — Pumalo sa 68 ang bilang ng nasawi sa paglabas ng bagyong "Usman," at pinangangambahan pa itong tumaas ayon sa mga opisyal ng civil defense.

Sa rehiyon ng Bikol, 57 ang naitalang namatay habang 11 naman ang casualty sa isla ng Samar. Marami dito ay bunsod ng pagguho ng lupa at pagkalunod.

"Maaaring tumaas pa ito (death toll) dahil marami pang lugar na hindi pa natin na-clear," ayon kay Claudio Yucot sa Ingles, direktor ng civil defense sa Bikol.

Tumama ito sa kalupaan noong Sabado.

Matatandaang 'di gaano kalakasan ang dalang hanging nito at mabagal ang paggalaw, ngunit nagdala ng ulan na nagdulot ng mga pagbaha at landslides.

"'Overconfident' ang mga tao dahil naka-bakasyon mode na sila at walang tropical cyclone warning," ayon kay Yucot.

Idineklara na rin ng Provincial Information Office ng Camarines Norte ang "State of Calamity" sa probinsya.

Nakalabas na ng Philippine area of responsibility ang naturang low pressure area kahapon ng umaga ayon sa PAGASA at kasalukyang nasa West Philippine Sea ayon sa kanilang weather forecast kaninang 4 a.m.

Nananatiling ang hanging Amihan na lamang ang weather system na umiiral sa bansa sa malaking bahagi ng Luzon.

Dahil diyan, ang mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, at Gitnang Luzon ay makararanas ngayong araw ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan.

Show comments