^

Bansa

11 patay sa landslide

Joy Cantos, Jorge Halliare - Pilipino Star Ngayon
11 patay sa landslide
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, dakong ala-1:23 ng madaling araw nitong Sabado nang matabunan ng lupa ang bahay ng isang pamilya na nasa paanan ng bundok sa Purok 2, Brgy. San Francisco, Legazpi City, Albay.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Labing-isa katao kabilang ang tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos maguhuan ng lupa sa magkakahiwalay na insidente ng landslide sa Bicol Region sanhi ng malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Usman.

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, dakong ala-1:23 ng madaling araw  nitong Sabado nang matabunan ng lupa ang bahay ng isang pamilya na nasa paanan ng bundok sa Purok 2, Brgy. San Francisco, Legazpi City, Albay.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mauro Alegre, 26; misis nitong si Mia Lorete Alegre, 20 at anak na si Marco, 3 anyos.

Nagbakasyon lang ang mag-anak na Alegre si­mula noong pasko at balak sanang umuwi matapos ang bagong taon pero doon na sila inabot nang bagyo hanggang naganap ang trahedya.

Samantala, pitong obrero naman ang pinanga­ngambahang nalibing nang buhay makaraang matabunan sa landslide sa Brgy. Osiao, Bacon District, Sorsogon City, Sorsogon.

Sa ulat ng Sorsogon City Police, dakong 12:30 ng tanghali ng mangyari ang insidente.

Ang pito ay pawang mga obrero sa Tomas Ranola Construction (TRC) na kukuha lang sana ng suweldo sa kanilang tanggapan para sa pang-media noche sa Bagong Taon ng kanilang mga pamilya.

Kasalukuyang nag­lalakad ang mga ito sa baradong daan nang big­lang gumuho muli ang bahagi ng bundok sa tabi ng kalsada na tumabon sa mga ito.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang on-going ang search, rescue and retrieval operations.

Namatay rin ang 91 anyos na si Angelina Gerona, biyuda sa landslide sa Brgy. Palale, Bulan, Sorsogon dakong alas-8:30 ng umaga nitong Biyernes. Ang bangkay ng lola ay narekober ilang oras matapos na matabunan sa landslide ang tahanan nito.

Kaugnay nito, inabisuhan na ang ilan pang mga residente na malapit sa pinangyarihan ng pagguho ng lupa sa Brgy. San Francisco sa paglikas kaugnay ng banta na maulit ang pangyayari.

Malambot na umano ang pundasyon ng lupa sa naturang lugar na dulot ng naranasang malalakas na pag-ulan sa mga nakalipas na araw.

Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ng spokesman nitong si Edgar Posadas nasa 1,498 pamilya o mahigit 4,034 katao ang inilikas sa 29 mga apektadong Barangay sa Eastern Visayas.

Naitala naman sa 949 pamilya o katumbas ng 3,671 katao ang binigyan ng tulong ng NDRRMC sa Albay, Camarines Sur, Ca­tanduanes at Sorsogon na pawang sa Bicol Region.

Nasa 9,983 pasahero ang na-istranded sa mga pantalan sa Bicol Region dulot pa rin ng masamang lagay ng panahon.

BICOL REGION LANDSLIDE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with