MANILA, Philippines — Lumitaw sa isang pag-aaral na maraming Pilipinong estudyante at jobseeker ang nangangailangan pa ng dagdag na mga pagsasanay para makakuha ng trabaho.
Sa pag-aaral na tinatawag na “Philippine Talent Map Initiative”, ipinahiwatig na 31.7 porsiyento o 18,928 ng kabuuang halos 90,000 respondent ang nangangailangan ng ibayo pang pagsasanay.
Isinagawa ng Department of Labor and Employment ang pag-aaral kasama ng mga pribadong kumpanya para suriin ang kasalukuyang mga kalakaran at isyu na kinakaharap ng academe at ng industriya kaugnay sa workforce development.
Ayon sa DOLE, isinagawa ang pag-aaral para matugunan ang problema sa umiiral na job and skills mismatch sa bansa sa pamamagitan ng identity talent, skills at training na kailangan ng Filipino workforce.
Lumitaw pa sa survey na 68.3 porsiyento ng mga estudyante, employed, unemployed at trainees na saklaw ng pag-aaral ang employable na ang top competency ay English functional skills.
Nananatili ang creative problem solving bilang lower skills sa mga respondent kaya ito ang kailangang mabago kasama ng innovation at decision-making skills.
Sinabi ng DOLE na ang resulta ng pag-aaral ay isinumite sa Commission on Higher Education, Department of Education at Technical Education Skills and Development.
“Ang resulta ng survey ay magsisilbing basihan ng ating mga policy maker sa paglikha at pagpondo ng mahalagang mga batas o inisyatiba na maaaring magpaikli sa workforce skills gap at suportahan ang curriculum development,” sabi pa ng DOLE.