MANILA, Philippines — Naglunsad na ng sariling imbestigasyon ang Philippine Taekwondo Association (PTA) upang kumpirmahin kung isa nga bang taekwondo practitioner ang junior high school student na nadidiin ngayon sa bullying issue.
Kumalat kasi sa mga social media sites ang isang video kung saan gumagamit ito ng martial arts para makapanakit ng ibang tao.
“This is not what Taekwondo instills to its practitioners and is a serious matter that we as an association stand against,” pahayag ng grupo.
Sinabi rin ng national federation na kanilang iginagalang ang anumang ipapataw na parusa ng Ateneo de Manila Junior High School sa naturang estudyante.
Ngunit nakasalalay aniya sa resulta ng kanilang pagsisiyasat ang pasya kung aalisin ang kanyang belt.
Bukod sa nabanggit na video, mayroon ding larawan ang nag-viral ngayon kung saan makikitang may suot ang bata na dobok na uniporme ng mga Korean martial artists.