MANILA, Philippines — Hindi na makikita sa merkado at makabibili ang mahihirap na Pilipino ng mumurahing NFA rice na may halagang P27 kada kilo.
Ito ang sinabi ni Agriculture Secretary Manuel Piñol dahil oras na maubos ang NFA rice na may halagang P27 kada kilo ay hindi na ulit ito masusundan dahil hindi na mag-aangkat ang NFA sa susunod na taon.
Aniya, ang NFA rice na may halagang P35 hanggang P36 na lamang ang maaaring makita at mabibili sa mga pamilihan na mayroon pang stock sa mga warehouse ng NFA na bahagi ng latest rice import ng National Food Authority.
Sa press conference sa QC, sinabi ni Piñol na ngayong nasa ilalim na ng pangasiwaan ng ahensiya ang NFA , hindi na muna mag-aangkat ng bigas ang ahensiya at aasa muna ang ating bansa sa local produce ng mga pinoy farmers.
Niliwanag din nito na hindi naman itataas ang halaga ng pagbili ng NFA ng palay produce ng mga local farmers na P17 per kilo at P3 insentibo sa mga ito.
Aniya, malamang na malugi na ang pamahalaan oras na maitaas pa ang buying price ng palay ng mga magsasaka.
Tiniyak din ni Piñol na kahit ang private traders na lamang ang papayagang mag-import ng bigas, hindi naman hahayaan na makapagtaas ang mga ito ng todo sa presyuhan ng bigas dahil sa ipinaiiral na Suggested Retail Price (SRP)
Mayroon din aniyang Competition Commission of the Philippines (CCP) na hahadlang sa anumang planong magsamantala ang private rice traders oras na mamayani sa merkado ang kanilang produktong commercial rice.
Sa ngayon, aniya sapat ang suplay ng bigas sa bansa na may 1-milyong metric tons na imbak na bigas sa NFA warehouse.