MANILA, Philippines — Isang dating Cabinet official na ngayon ay kandidato para sa darating na eleksyon ang umano’y responsable sa “parking” ng may P300 milyon infrastructure project sa panukalang 2019 national budget.
Ito ang ibinunyag ng isang alkalde sa Region 5 na ayaw munang magpabanggit ng pangalan nang lumapit kay House Majority leader Rolando Andaya Jr.
Ayon kay Andaya, ibinunyag ng alkalde na ang nasabing Cabinet member ay nag-parked ng alokasyon sa flood-mitigation projects para sa naturang rehiyon at anumang oras ay ilalabas na ang pondo dahil nag-site visitation na siya doon.
Sinabi pa umano ng mayor na maraming local government executives ang nais na makausap si Andaya para magbigay linaw sa tinatawag na “parking scam” sa budget allocations sa kanilang rehiyon dahil ngayon lang nila naiintindihan ang mga nangyayari.
Pumayag umano ang mga local government executives sa parking scheme dahil para na rin umano sa benepisyo ng mga constituents ang mga proyekto subalit nais lang nilang linawin na hindi sila kumita sa naturang mga proyekto.
Base umano sa report, sa Region 5 pa lang ay halos P2.2 billion ang nadagdag sa national projects na flood related mula 2017 hanggang 2018.
Dahil dito kaya malalaman umano sa gagawing imbestigasyon ng House rules committee kung magkano rito ang napunta sa CT. Leoncio at sa Aremar Construction na umano’y mga paboritong kontraktor ng Department of Budget and Management (DBM).