MANILA, Philippines — Nakatakdang italaga ni Pangulong Duterte si Lieutenant General Benjamin Madrigal Jr. bilang susunod na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ayon sa source sa Malacañang.
Papalitan ni Madrigal si Gen. Carlito Galvez Jr. na nakatakdang magretiro sa darating na Disyembre 12.
Miyembro ng PMA “Sandiwa” Class of 1985 si Gen. Madrigal at nagsilbing chief ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom).
Bukod kay Madrigal ay kasama rin sa shortlist na pinagpilian ni Pangulong Duterte si Army chief Lt. Gen. Macairog Alberto.
Samantala, itatalaga ni Pangulong Duterte si Galvez bilang susunod na pinuno ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Papalitan ni Galvez bilang OPAPP chief ang nagbitiw na si Sec. Jesus Dureza Jr. matapos sibakin ng Pangulo ang isang undersecretary at assistant secretary ng OPAPP.
Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Duterte kay Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr. sa pagsisilbi nito sa kanyang administrasyon.
Ang papalit kay Sec. Rio ay si Sen. Gringo Honasan na itinalaga ng Pangulo bilang DICT chief.