MANILA, Philippines — Dahil sa panganib na kinakaharap ng mga gurong nagsisilbing Board of Election Inspectors (BEI) lalo na sa mga hotspots, isinulong kahapon ni 1-Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro Jr., na gawing tax free ang benepisyo ng mga gurong magbubuwis ng buhay kaugnay ng pagdaraos ng eleksyon sa bansa.
Ipinamamadali rin ni Belaro sa House Ways and Means Committee ang pagpapasa sa House Bill 7732 na nagbibigay ng 100 % tax exemption sa death benefits, honoraria at travel allowances ng mga guro at iba pang mga civil servants na gumaganap ng mahalagang papel sa serbisyo sa ating halalan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10756 o Election Service Reform Act (ESRA), ang death benefits na may kinalaman sa pagseserbisyo sa halalan ay nasa P 500,000 pero kakaltasan pa ito ng malaking buwis.
“The cost of the tax exemption pales in comparison to the sacrifices of the teachers, soldiers, and other government employees called to duty for the elections,” ani Belaro.
Umaasa siyang maipapasa ang kaniyang panukalang batas para mapakinabangan na ito sa midterm elections sa Mayo 2019 at sa mga susunod pang halalan.
Sa kasalukuyan, tumatanggap lamang ng honoraria ang Chairperson of Electoral Boards ng P6,000; Members of Electoral Boards, P5,000; Department of Education Supervisor Officials (DESO), P4,000 at Support staff, P2,000 habang nasa P1,000 ang travel allowance.