MANILA, Philippines — Inilipat na ng Senate Blue Ribbon Committee sa kustodiya ng Department of Justice (DOJ) si dating Bureau of Customs intelligence officer Jimmy Guban.
Sinabi ni committee chairman Sen. Richard Gordon na na-turn over na si Guban kay DOJ Sec. Menardo Guevarra dahil delikado na umano ito sa Senado.
Kinumpirma rin ni Gordon na may “agreement” na sila ng DOJ tungkol sa paglalagay kay Guban sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Ayon pa kay Gordon, testigo si Guban laban kay Senior Supt. Eduardo Acierto na hindi nagpakita sa pagdinig kahapon.
Sa sworn statement/affidavit ni Guban sinabi nito na kinontak siya ni Acierto noong Hunyo 2018 kaugnay sa ilang importasyon kabilang ang kitchen tissues, pants at clothes, at apat na magnetic lifters.
Naniniwala rin si Gordon na maraming nalalaman si Acierto tungkol sa nasabing transaksiyon ng ilegal na droga.
Pero mistulang nilinis din ni Guban si Acierto sa kanyang affidavit dahil sa pahayag nito na si Acierto rin ang nagbigay ng tip tungkol sa iligal na droga na nakalagay sa magnetic lifters sa loob ng Manila International Container Ports.
Samantala, nagturuan din sa pagdinig sina Guban at CIIS Director Jeoffrey Tacio kaugnay sa nakalusot ng bilyon-bilyong halaga ng shabu.
Idiniin ni Guban si Tacio na sangkot sa tinatawag na “tara system” sa mga kontrabadong ipinapalusot sa Custom.
Pero sinabi ni Tacio na gumaganti lamang si kanila si Guban dahil sa nagsagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ni Guban sa sindikato sa Customs.
Kinumpirma naman ni Gordon sa panayam na una na rin nilang hinala na miyembro ng sindikato si Guban.