MANILA, Philippines — Nalusaw na ang “Red October” ouster plot laban kay Pangulong Duterte, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na nag-atrasan na ang mga nagpaplano sa Red October ouster plot matapos itong mabuking ng AFP.
“Wala na, hindi na natuloy yan kasi nabuking sila eh,” wika ni Lorenzana.
“There was, we got a document really stating nakalagay dun Red October eh nung ilabas yun ng AFP, initially merong mga kumpol ng mga grupo pero nung mabulgar sila nagpulasan na kaya hindi na matutuloy,” anang opisyal.
Una nang ibinunyag ni AFP Asst. Deputy for Operations (J3) B/Gen. Antonio Parlade Jr. na ang Red October ay isa umanong sabwatan sa pagitan ng CPP-NPA at oposisyon para patalsikin si Duterte sa puwesto.
Kabilang umano sa alyansa ang supporters ni ousted Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang grupong Tindig Pilipinas na ang mga miyembro ay Liberal Party leaders.
Ayon pa kay Lorenzana, wala ring “Blue November” tulad ng mga maiinit na paksa dahil malapit ng magtapos ang Oktubre.
Una na ring ibinulgar ni Parlade na maging ang 18 kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila ay sinasabing aktibo ang recruitment ng CPP-NPA sa mga estudyante upang lumahok sa Red October plot.
“Lusaw na yung Red October, White Christmas na siguro kasi pasko na eh,” pabiro at nakangiti pang sinabi Lorenzana.