MANILA, Philippines — Hiniling sa Korte Suprema ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na isapinal na ang desisyon kaugnay sa pagdaragdag ng Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga Local Government Units (LGUs), na hindi isinasama, mga ilan taon nang nakalilipas.
Sa petisyon, nais ni Mandanas na magkaroon na ng ‘Entry of Finality of Judgement’ ang naging hatol na ipinalabas ng Supreme Court (SC) kaugnay sa IRA matapos hindi maghain ng motion for reconsideration (MR) ang national government sa desisyong ipinalabas ng SC noong Hulyo 26.
Sinabi ni Mandanas, nangangahulugan na madaragdagan ng P250 bilyon sa taong 2019 ang IRA ng LGUs na kukunin sa mga ibinabayad na buwis sa Bureau of Customs (BOC).
Ang naturang kaso ay may anim na taon nang ipinaglaban ni Mandanas, mula pa nung siya ay isang kongresista at naging dahilan kung bakit siya natanggal sa House Committee on Ways and Means noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulo Benigno Aquino III.
Inaasahan na kapag naisapinal na ang desisyon ng SC ay maibabahagi na ang dagdag na IRA para sa mas madali at mabilis na pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.
Sumulat rin si Mandamas kay Pangulong Duterte para ipaalam ang nabanggit na desisyon ng SC at para hilingin ang mabilis na implementasyon ng nabanggit na desisyon sa susunod na taon.