MANILA, Philippines — Isinusulong ni House Committee on Transportation Chairman Rep. Cesar Sarmiento ang pagkakaroon ng airport sa labas ng Metro Manila.
Ito ay kasunod ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagsadsad ng Xiamen Airlines na nagdulot ng ilang araw na pagka-stranded ng libu-libong pasahero sa NAIA terminal 1 matapos isara ang runaway doon.
Sinabi ni Sarmiento na bukod dito mayroon din proposals sa kanilang committee para mag-increase ng capacity sa NAIA.
Subalit kahit na itaas umano ang capacity ng NAIA naniniwala pa rin ang kongresista na pareho pa rin ang magiging problema dahil na rin sa daloy ng trapiko dito.
Kaya ang pinaka-practical na idea umano dito ay mag-create ng bagong airport para magkaroon ng convenience at comfort at maiwasan ang trapiko sa Metro Manila.
Giit ni Sarmiento, dapat maging tulad sa ibang bansa tulad ng South Korea at Japan airports na halos isang oras ang layo sa main city hindi tulad dito sa Pilipinas na sentro ng siyudad.
Ikinokonsidera pa rin umano ang Clark International Airport sa Pampanga bilang “complimentary” airport para sa NAIA.
Bagamat single runaway lamang umano ang Clark airport ay napakalaki pa rin ng lugar na maaaring i-develop at makakapag-accomodate ng lumalaking capacity ng NAIA at maaaring gawing twin airport.
Paliwanag pa ni Sarmiento na ang mga pasahero mula sa mga area ng North Luzon tulad ng Bulacan ay maaari na sa Clark International Airport.