P1-M reward welcome sa PNP
MANILA, Philippines — Hindi pa nakakalabas ng bansa ang mga wanted na dating mga kongresista na sina (dating Agrarian Reform Secretary) Rafael Mariano, National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza at dalawa pang dating mambabatas na ipinaaaresto ng isang korte sa kasong double murder.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine National Police Chief P/Direcror General Oscar Albayalde na sinabing welcome sa PNP ang pagpapalabas ng P1 milyong reward laban kina Mariano, Maza, dating Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño.
“Walang indikasyon na umalis sila ng bansa, nandiyan lang sila,” ani Albayalde kung saan ay patuloy ang pagtugis sa apat na mga dating mambabatas ng binuong tracking team ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI).
Kasabay nito, nilinaw ni Albayalde na ang P1 milyon na inialok ng Citizens Crime Watch (CCW) ay monetary compensation lamang at hindi para mahuli ang mga akusado ‘dead or alive “ kundi reward sa sinumang tipster na makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga ito.
Kaugnay nito, muli namang umapela si Albayalde sa mga akusado na isuko na lamang ang kanilang mga sarili sa mga awtoridad at harapin ang kaso na isinampa laban sa mga ito sa halip na magtago sa batas.
Magugunita na nag-isyu ng warrant of arrest ang isang korte sa Palayan City, Nueva Ecija laban kina Mariano, Maza, Ocampo at Casiño kaugnay ng kasong double murder sa dalawang kataong karibal ng mga ito na partylist groups na isinampa noong 2006.
Samantalang bukod sa mga ito ay naisyuhan din ng warrant of arrest ang mga militanteng opisyal ng Bayan Muna na sina Vicente Cayetano, Delfin Pimentel at Emeterio Atalan. a