MANILA, Philippines — Pinagsabihan ng isang kongresista ang mga lokal na opisyal na huwag basta magsuspinde ng klase nang walang sapat na basehan.
Ang pahayag ni 1-Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro ay kasunod ng maagang kanselasyon noong Lunes ng mga Metro mayors gayung wala namang ulan.
Sinabi ni Belaro na dapat makipag-ugnayan sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration(PAGASA) upang mabigyan sila ng tamang impormasyon tungkol sa bagyo bago magdesisyon sa kanselasyon ng klase.
Ayon kay Belaro, maraming alkalde ay gaya gaya lamang at ibinabase ang kanselasyon ng klase kapag ang kalapit bayan ay nagdeklara na nang walang pasok.
Samantala umapela rin si Belaro sa PAGASA na bigyan ng kaunting paliwanag sa kanilang websites ang mga inilalagay na terminology ukol sa bagyo. Karaniwan umano na mahirap intindihin ang mga termino na ginagamit ng PAGASA kaya bandang huli ay nagkakaroon ng kalituhan.
Una ring sinisi ng PAGASA ang “inaccurate information” na lumabas sa social media na nagsasabing super typhoon na gaya ng Yolanda ang paparating na bagyong Gardo na maaaring ginawang basehan ng ilang alkalde para agad na kanselahin ang klase sa kanilang lugar.
Umapela naman ang PAGASA sa publiko na beripikahin muna ang mga impormasyon na kanilang nasasagap at kung patungkol sa bagyo ay mas mainam na sa PAGASA website kumuha ng impormasyon na nakasisigurong tama sa halip na sa mga social media websites.