MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs na pinalaya na ang dalawang Pilipinang kinidnap sa Baghdad, Iraq noong Biyernes.
Pinasalamatan ng DFA ang mga awtoridad na Iraqi sa mabilis na pagliligtas sa dalawang Pilipina.
Iniulat ng mga awtoridad na Iraqi sa Philippine Embassy sa Baghdad kamakalawa na nasa kustodya na ngayon ng pulisya ang mga biktima makaraang masagip sa Diyala Province sa hilaga ng Baghdad noong Sabado.
Sa kanyang report sa DFA, sinabi ni Charge d’Affaires Julius Torres na nasabihan na ang embahada ng mga awtoridad ng Diyala na ang dalawa ay nasagip mula sa isang grupong criminal na dumukot sa mga ito noong Biyernes.
Ilang miyembro ng grupo ang nadakip sa isinagawang operasyon ng pulisyang Iraqi at inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Sinabi ni Torres na hiniling ng embahada sa mga awtoridad na Iraqi na payagan silang makausap ang nailigtas na mga Pilipina at ang dalawa pang Pilipina na naunang napaulat na nakuha ng mga awtoridad makaraang makatakas sa naturan ding grupo ng mga kidnapper.
Ayon sa ulat na tinanggap ng embahada, ang apat na Pilipina ay kagagaling lang sa Erbil sa northern Kurdistan region at papunta sa Baghdad nang ang kanilang sasakyan ay harangin ng armadong grupo sa Uzem district sa pagitan ng Kirkuk at Diyala.