MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Consultative Committee (ConCom) ang final draft ng bagong Konstitusyon na nagsusulong ng Federal government.
Dumalo ang 22-miyembro ng ConCom sa pamumuno ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa PICC, Pasay City kahapon.
Unanimous ang naging desisyon sa pangunguna ni dating Senate President Nene Pimentel, na siyang nagsulong upang aprubahan ang draft na sinundan ng pinakabatang miyembrong si Atty. Jose Martin Loon.
Ilan sa mga probisyon na nauna ng inaprubahan ng ConCom na isali sa draft ay ang mahigpit na panuntunan kontra sa political dynasty; environmental at socio-economic rights; pagre-require sa educational attainment ng matataas na opisyal ng gobyerno kabilang na ang mga mambabatas; gayundin ang pinag-isang partido ng mananalong presidente at bise nito.
Nakapaloob din dito ang inilatag na 18-federated regions, kabilang na ARMM na ginawang Bangsamoro Federated Region at bagong Negrosanon region.
Ipinaliwanag naman ng komite na mababago pa ang nilalaman ng binuong draft dahil dadaan pa ito sa kamay ng Kongreso.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, kapag natanggap na ni Pangulong Duterte ang draft ay isusumite na ito sa Kongreso para talakayin at pagtibayin sa pamamagitan ng Constituent Assemby (Con-Ass) bilang bahagi ng charter change (Cha-cha) na ipapalit sa kasalukuyang 1987 Constitution.