MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang Philippine Mental Health Law o ang Republic Act 11036.
Sa ilalim ng nasabing batas na akda ni opposition Sen. Rissa Hontiveros, ang mental health care ay magiging affordable, accessible at equitable hanggang sa barangay level.
Nakapaloob sa nasabing batas na cover na ngayon ng PhilHealth ang hospitalization sa pasyente ng acute attacks of mental and behavorial disorders sa package rate na P7,800.
Nakapaloob sa batas na ang mga taong may problema sa pag-iisip ay dapat makakuha ng tulong mula sa mga mental health professionals sa mga barangays, integrate psychiatric, psychosocial, at neurologic services sa regional, provincial, at tertiary hospitals.
Ayon kay Hontiveros, araw-araw ay umaabot sa 7 Filipino ang nagpapakamatay at isa sa bawat 5 Filipino adults ay mayroong mental disorders.
Sinabi pa ni Hontiveros na hindi na dapat magtiis at magtago ang mga Filipino na may mental disorders dahil may batas na titiyak na sila ay matutulungan.
Ayon naman kay Senate President Tito Sotto, dapat tiyakin ng Department of Health na maipatutupad ang nasabing batas.
Kabilang sa nagsulong ng panukala sina Sotto, Senators Loren Legarda, Sonny Trillanes, Bam Aquino, Sonny Angara at Joel Villanueva.