Presyo bababa ng p7/kilo
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Finance department na bababa ng P7 per kilo ang halaga ng bigas kung maipapasa ng Kongreso ang isang panukala para paluwagin ang importasyon ng bigas.
“Sana maipasa ng maaga ang panukala para makaangkat tayo ng murang bigas para bumaba rin ang presyo rito sa atin,” sabi ni Finance Undersecretary Karl Chua sa isang panayam.
Ang pinakamurang bigas ngayon ay P39 per kilo. Sa Thailand, P19 per kilo at sa Vietnam, P17 per kilo.
Ang pagkakaroon ng murang bigas ang siyang nakikita ng pamahalaan na tamang solusyon sa pagtaas ng mga bilihin o inflation.
Binigyang diin pa na ang dahilan ng inflation ay ang pagtaas ng presyo ng langis sa world market, ang paghina ng piso laban sa dolyar at ang mataas na presyo ng bigas.
“Hindi ang Train Law ang dapat sisihin dahil maliit lamang ang idinagdag ng Train sa inflation. Kung ang isang bilihin ay P100 last year, ito ay P104.60 ngayon dahil sa 4.6% na inflation noong Mayo. Pero dito sa P4.60 na pagtaas ng presyo, P0.40 lamang ang dahil sa Train,” giit ni Chua.
Idinagdag pa ni Chua, kung hindi TRAIN ang problema, hindi angkop na solusyon ang ibaba ang VAT rate ng 10 percent mula sa 12 percent at kung maibaba naman ang presyo ng bigas ng P7 per kilo, ang inflation rate ay siguradong bababa rin.
Nilinaw din nito, kung ibababa ang VAT rate ?sa 10 percent, mababawasan ng P143 billion ang revenues ng gobyerno.
“Kakapusin tayo ng pangtustos sa libreng edukasyon, pagtayo ng roads and bridges, conditional at unconditional cash transfer at iba pa. Kaya imbis na makatulong sa atin, ito ay gagawa ng panibago at unnecessary na mga problema,” dagdag pa ni Chua.
Aniya, importante na maisulong sa Kongreso ang panukala na magpapaluwag ng rice importation upang maibaba ang inflation at mabawasan ang gastos ng publiko.