MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagdiriwang ng National Kidney Month, iginiit ni Sen. Sonny Angara na mas palawakin ang access sa libreng dialysis treatment sa gitna ng dumaraming bilang ng mga Filipino na nagkakaroon ng sakit sa bato at renal failure.
Ayon kay Angara, nagiging pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Filipino ang sakit sa bato o kidney kaya dapat matiyak na accessible ang dialysis treatment lalo na sa mga nakatira sa malalayong lugar.
Base sa data ng Philippine Network for Organ Sharing ng Department of Health (DOH), nasa 23,000 pasyente ang sumasailalim sa dialysis treatment dahil sa kidney failure noong 2013, na tumaas ng malaki mula sa 4,000 kaso noong 2004, o 10 hanggang 15 porsiyentong increase kada taon.
Hindi pa kasama sa nasabing figure ang mga nagkaroon ng kidney failure pero hindi na sumailalim sa dialysis treatment dahil sa kamahalan at hindi available sa mga rural areas.
Noong 2013, ang kidney disease ay ika-anim sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas.
Ayon sa National Kidney Institute, isang Filipino ang nagkakaroon ng chronic renal failure sa kada oras.
Kaugnay nito, isinulong ni Angara ang Senate Bill No. 1329 o ang panukalang “Dialysis Center Act,” kung saan lahat ng national, regional at provincial government hospitals ay aatasan na magkaroon at mag-maintain ng isang dialysis ward o unit na magbibigay ng libreng treatment sa mga mahihirap na kidney patients.
Ang halaga ng dialysis treatment, kabilang na ang paggamit ng machines at gamot ay nasa pagitan ng P2,000 hanggang P2,500 sa mga ospital ng gobyerno at nasa P4,000 sa mga pribadong pasilidad.
Ang Hunyo ang itinakdang National Kidney Month sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 184 na nilagdaan noong May 31, 1993 ni dating Pangulong Fidel Ramos.