MANILA, Philippines — Planong kasuhan ng kriminal at sibil ni dating Davao City Vice-Mayor Paolo “Pulong” Duterte si Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay sa umano’y malisyosong pagkakadawit nito sa kanya sa P6.4 bilyong shabu shipment sa Bureau of Customs (BoC) noong nakaraang taon.
Sinabi ng Presidential Son, hindi niya palalampasin ang tangkang pagwasak ni Trillanes sa kanya nang magpalabas ito ng black propaganda na nais sirain ang kanyang pangalan, reputasyon at integridad.
Ayon sa batang Duterte, sinadya ni Trillanes na magpakalat ng mga kasinungalingan at imbentong istorya laban sa kanya dahil desperado rin umano itong sirain ang liderato ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sen. Trillanes manufactured lies and deliberately spread these lies with the obvious intention of destroying my name and maligning my reputation, with a view to impacting negatively against our beloved President,” sabi ng dating bise alkalde ng Davao City.
Idinagdag pa nito, ang pag-atake at paninira sa kanya ni Trillanes na pawang batay lang sa mga tsismis ay isang pang-aabuso sa kanyang parliamentary immunity bilang miyembro ng Senado.
Ipinaliwanag din ng Presidential Son na hindi na saklaw ng nasabing immunity ang mga mapanirang komento nito laban sa kanya sa mga media interview nito dahil nangyari aniya ang mga ito sa labas ng Senate hall.
Noong Disyembre, nagsampa ng reklamong sibil ang batang Durterte at bayaw na si Atty. Manases Carpio sa Davao City regional trial court matapos silang akusahan ni Trillanes na sangkot umano sa smuggling sa BoC.
Sinabi pa ng senador na pinamumunuan ng mag-bayaw ang sinasabing Davao Group na nasa likod ng katiwalian sa BoC.
Ikinagalit din ni Duterte ang akusasyon ni Trillanes na kabilang siya sa Chinese drug syndicate na nag-o-operate sa bansa.
Kapwa naman pinabulaanan ng mag-bayaw ang lahat ng akusasyon ni Trillanes laban sa kanila nang pareho silang humarap sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.