Apela ni de Lima ibinasura ng SC

Ito ay makaraang magpasya ang SC na ibasura ang motion for reconsideration ni de Lima dahil sa kabiguan na magprisinta ng mga bagong argumento.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Pinal nang pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyon nito na nagbasura sa petisyon ni Sen. Leila de Lima na kumukwestiyon sa findings of probable cause ng Muntinlupa Regional Trial Court sa kasong may kinalaman sa Bilibid drug trade na inihain laban sa kanya ng Department of Justice at sa ipinalabas ng hukuman na arrest warrant laban sa kanya.

Ito ay makaraang magpasya ang SC na ibasura ang motion for reconsideration ni de Lima dahil sa kabiguan na magprisinta ng mga bagong argumento.

Ayon sa SC, natalakay na nila sa kanilang desisyon noong October 10, 2017 ang mga argumento na inilahad ni de Lima sa kanyang apela. Dahil dito, iniutos na rin ng Korte ang entry of judgment sa kaso.

Sa naunang desisyon ng SC ay kinilala nito ang exclusive jurisdiction ng regional trial court sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.

Tinukoy ng SC na hindi malilipat sa Sandiganbayan ang exclusive original jurisdiction kaugnay ng mga paglabag sa RA 9165 kahit pa ang akusado ay umookupa ng mataas na posisyon sa gobyerno.

Show comments